Monday, March 11, 2013

Si Kuya Boy


Dear Tatay, pasensiya ka na kung hindi ako ang anak na pinangarap mo.  Aalis na lang ako para mabawasan ang sakit ng iyong ulo.

Pero sana Tatay sa susunod na makita mo akong umiyak, sana isipin mong umiiyak ako, hindi dahil sa bakla ako kundi dahil sa nasasaktan ako.

Boy

Bata pa ako ng unang pumasok sa aking kamalayan si Kuya Boy. Nag-iisang anak si Kuya ng nakababatang kapatid ni Tatay.  Mas matanda siya sa akin dahil mas late nag-asawa ang Tatay.  Sabi nila, matalinong bata si Kuya, with honors nagtapos ng high school pero hindi na pinagpatuloy mag-aral ng aking Inyong Atong (Inyong=Uncle) dahil bakla naman daw ang kanyang anak.


Jeepney driver ang tatay ni Kuya kaya maghapong wala ito sa bahay pero kadalasan ay bigla na lang itong susulpot at kakaladkaring pauwi ang anak.  Doon na magsisimula ang walang tigil na pagbubunganga ni Inyong Atong.  Hindi ko naman maintindihan itong si Inyong kung ano ang kanyang pinagsisintir.  Umaga pa lang, nakikita ko na sa salukan ng tubig si Kuya madalas nga ay nakikisuyo pa itong pasingitin kasi ay magluluto pa siya ng kakainin ni Inyong.  Tsaka ang alam ko, isa si Kuya sa mga nag-iikot at nag-aalok ng gupit, manicure at pedicure sa mga gustong magpaganda sa aming lugar. May pakinabang naman. Pero kakaiba itong si Kuya, matapos siyang maratrat ng kanyang Tatay, eto na naman siya kung hapon, punong-puno ng kolorete ang kanyang mukha tsaka pakendeng-kendeng na lalapit sa mga tambay at magsisimulang makipaglandian. Litaw na litaw ang hagikgik ni Kuya sa umpukan.

Malayo ang loob ko kay Kuya Boy, paano naman sabi nila ay pareho daw kami sa maraming bagay - parehong panganay, parehong Junior, parehong matalino at higit sa lahat, parehong bakla.  Syempre ayokong pumayag na ikumpara kay Kuya Boy hindi dahil sa isa siyang bakla (hindi ko pa naman alam noon kung ano ang bakla) kundi dahil sa napaka-weird niyang pagmasdan.  Lagi siyang naka-duster, at kahit gaano kaiinit ang panahon, laging may long-sleeve na t-shirt o polo sa ilalim ng kanyang duster. Tapos napakapal pa ng kanyang kilay, pulang-pulang labi at pisngi tsaka matang akala mo ay laging may black-eye.  Para na nga siyang clown sa sobrang kapal ng make-up niya.  Tsaka, nakakainis ang kalandian niya.

High school na ko ng matuklasan ko kung bakit parang weird si Kuya.  May assignment ako at magpapadrowing sana ako sa kanya ng maabutan ko siyang umiiyak sa kanilang kusina.

"Labas ka muna. hindi pa ako maganda" tumalikod siya sa akin at umakyat sa kanyang kwarto.

Sumunod ako sa kanya "Tayong dalawa lang naman e, wag ka ng magpaganda, di naman kita liligawan" pero ng pagmasdan ko siyang maigi, laking gulat ko ng marealize kong puno ng pasa ang kanyang mukha at braso.  "Bakit Kuya?" tanong ko sa kanya.

"Wala, sige na, labas na at magpapaganda pa ako" pagpupumilit niya.  Hindi ako kumilos kaya agad niyang kinuha ang kanyang bag at naglagay ng lipstick tsaka pinapula ang kanyang magkabilang pisngi.

Kinuha ko ang kanyang pulbos at sinimulang pahiran ang kanyang braso.

"Bakit itinatago mo ang iyong mga pasa Kuya?  Hindi ba dapat ipakita mo para hindi ka na namin pagtawanan."

"May pasa o wala, ganun pa rin naman ang magiging tingin sa akin."

"Bakit hindi ka na lang umalis."

"Tapos?" nagsimulang umiyak uli si Kuya.  "Kaya ikaw kahit anong mangyari, huwag kang aaming bakla ka.  Yung iba sasabihin nila, mas masarap daw ang nakaladlad pero hintayin mong magkamali ka sigurado, sasabihin nila, kasi bakla ka.  Hindi ka nagkamali dahil tao ka, nagkamali ka kasi bakla ka."

Lumabas ako ng kanilang bahay na nalilito.  Nakakahawang sakit ba ang kabaklaan?

Isang araw, ang aga-aga ay nagising ako sa ingay ni Inyong Atong.  Naglayas daw si Kuya at asar na asar ito kasi nagising siyang walang nakahandang agahan.

"Bugbog sarado sa akin ang tangnang baklang yan pag nagpakita pa siya sa akin" nagpupuyos na sabi ni Uncle.

"E bakit hinahanap mo, di ba sabi mo di mo kailangan ng anak na bakla?" sagot ni Nanay.

Kalaunan  nabalitaan naming sumama si Kuya sa kanyang boyfriend na Kano. Ang daming balitang dumating sa amin na swerte daw si Kuya dahil mapagmahal ang kanyang boyfriend at tinuturing siyang reyna sa kanilang tahanan.  Minsan, nagpadala pa nga si Kuya ng litrato sa akin at bakas sa mukha ni Kuya ang kaligayahan.

Kaya ganun na lang ang aming gulat ng makatanggap kami ng tawag mula sa kanyang kaibigan at sinabing nasa ospital si Kuya at malubha daw ito.  Sabi binugbog daw ng kanyang boyfriend.

"Puntahan natin" sabi ni Tatay.  Aba milagro Tatay ko yun.  Tapos dedmahin ng ilang dekada ang pinagsususpetsahang anak, eto at yung baklang-baklang pamangkin ay pupuntahan niya.

Pagdating namin sa ospital ay talagang nakakalungkot ang aming nakita - black and blue si Kuya, bali ang kanang kamay, may cigarette burns ang hita at ang daming maliit ng galos sa kanyang tiyan, sabi ng doktor, sanhi daw yun ng paggilit gamit ang blade.

"Ano ho bang nangyari?' tanong ko sa kaibigan niya.

"Masyado kasing seloso ang boyfriend niya, nahuli daw na may ibang kasamang lalaki.  Kasi naman si Sandra, pag may nagpakitang giliw sa kanya, kinikilig agad."

"Sandra?" galit na tanong ni Uncle.

"E yun po ang screen name niya."

"Tangna, idilat mong mga mata mo kung hindi lalo kang sasamain sa akin" parang tangang kinausap ni Uncle ang heavily sedated na si Kuya Boy.

"Ang yabang-yabang mo sa sulat, asan na ang sinasabi mong langit ng nakita mo" talagang tanga na nga tong si Inyong Atong, para saan ba ang paglilitanya niya.

Tumingin ako kay Tatay para sana sabihan ko siyang patigilin si Inyong pero nakita ko siyang nakatingin sa akin. Kinindatan ko si Tatay sabay inginuso si Inyong.  Lumapit ito at tinapik ang kapatid. Hindi ko inaasahan ang kanyang naging reaction.  Kumapit ito sa braso ng tatay tsaka humagulgol ng iyak.


Makalipas ang ilang sandali ay umupo ito sa tabi ng kama ng kanyang anak.  Malungkot niya itong pinagmasdan.

Paggising ko ng umaga ay nakagisnan kong natutulog si Inyong Atong.  Kinuha ko ang aking twalya at ikinumot sa kanya ng mapansin ko ang mga papel sa kanyang tagiliran.

Mga sulat.

"Dear Tatay, alam kong mali ang pag-alis ko pero nakikiusap ako sa iyo.  Sunduin mo ako dito.  Mas impiyerno pala ang pinuntahan ko. Hindi ko maipangangakong magbabago na ako pero tulungan mo sana ako.  Kung maiuuwi mo ako, pipilitin kong huwag gawin ang mga bagay na ikinaiinis mo. Hirap na hirap na ako Tatay.  Boy"

"Dear Tatay, sunduin mo na ako.  Para mo ng awa.  Boy."

"Dear Tatay, bakit mo naman naisip na mamahalin ako ng boyfriend ko o ng ibang tao.  Kung ikaw nga na sarili kong ama ay di ako nagawang mahalin, bakit aasahan mong gagawin yun sa akin ng iba.    Boy."

Lumabas ako para magpahangin.

"Hindi naipadala ni Sandra ang mga sulat na yan" andito pa pala ang kanyang kaibigan. "Nasa bag niya yan.  Iniwan niya sa bahay namin.  Tatakasan sana niya yung dyowa niya.  Nung wala pa siya after two days, pumunta ako sa kanila. Katok ako ng katok, ng walang sumagot, nag-alala na ko kaya tumawag ako ng pulis para tignan ang bahay nila.  Ayan na nga ang aming nakita."

"Akala ko masaya sila."

"Sinabi ko na kay Sandrang danger zone ang gusto niyang maging dyowa pero hindi siya nakinig.  Ang tagal na daw niyang hinintay maranasang mayakap at kilig na kilig talaga siya ng isang gabing may dalang isang dosenang rosas yung Kano at lumuhod sa kanyang harapan para hilinging magsama na sila.  Happiest moment daw ng buhay niya yun."

"Dear Tatay, bakit mo naman naisip na mamahalin ako ng boyfriend ko o ng ibang tao.  Kung ikaw nga na sarili kong ama ay di ako nagawang mahalin, bakit aasahan mong gagawin yun sa akin ng iba.    Boy."  Ang dami kong gustong sabihin kay Inyong Atong pero hindi ito ang tamang panahon.

Halos dalawang buwan din bago namin nailabas si Kuya Boy sa ospital.  Hindi ito nagsalita at laging nakatingin sa kawalan.  Sabi ng doctor, pag kaya na ng kanyang katawan ay makakabuting patignan sa isang Psychiatrist.  Kitang-kita naman ang pagbawi ni Inyong Atong sa anak.  Bukod sa sariling pag-aasikaso ay umupa ang Inyong ng mag-aalaga kay Kuya. Hindi pa nga namang huli ang lahat para matutunan nilang mahalin ang isa't isa. Pero nanatiling uncommunicative si Kuya Boy.  Lagi lang itong nakaupo sa kanyang wheel chair.

Isang araw, tinawag ako ng tagapag-alaga ni Kuya.  Pupunta lang daw sandali sa Mercury at may bibilhing gamot, kung pwedeng bantayan sandali total naman ay tulog ito kaya wala naman akong gagawin kundi hintayin ang kanyang pagdating.  Ilang minuto rin ang nakalipas bago ako pumunta sa bahay nila Kuya, deredertso na ko sa kanyang kwarto.  Siguro ay umuwi si Inyong Atong dahil naramdaman kong may gumalaw sa taas.  Pumanhik ako para tignan yun at laking gulat ko ng makita ko si Kuya Boy na nagsasayaw.

"Kuya, magaling ka na?"

Gulat na gulat ito tsaka tumawa.

"Secret natin ito ha. Drama ko lang, one week pa tsaka ako milagrosang gagaling.  Aabusuhin ko lang si Tatay."

Tawa ako ng tawa paglabas ng bahay nila.  Tunay ngang dyosa ng mga lukaret ang aking pinsang si Kuya Boy.





10 comments:

  1. gaston,

    may dugtong pa ba ito? parang walang closure. pero natawa ako.

    -walter

    ReplyDelete
  2. Walter, wala na. Galit bati pa rin silang mag-ama.

    ReplyDelete
  3. i just realized you tagged this as sirena and while reading your story, i thought all along that this was inspired by the song sirena.

    just the same, thanks for your stories. they are thought provoking.

    -walter

    ReplyDelete
  4. and you are a good writer too, i must say. so lemme thank you too for writing your thoughts... and your replies.

    -walter

    ReplyDelete
  5. thanks Walter for liking my stories, siguro, you can only write well if the stories are of your own experiences,

    ReplyDelete
  6. Ang ganda ng sequencing at twist. Ang galing ng sumulat.

    ReplyDelete